
Nananatiling kulang at hindi sapat ang mga pag-aaral na nagsasagawa ng masusing metaleksikograpikong pagsusuri sa mga lokal na diksyunaryo sa kabila ng kinikilalang ambag ng leksikograpiya sa pagpreserba at pagpapalaganap ng wika, partikular ang wikang Cebuano. Kaya naman, nilalayon ng pag-aaral na ito na mailarawan at masuri ang microstructure ng ‘A Dictionary of Cebuano Visayan’ ni John U. Wolff gamit ang mga pamantayan nina Landau (2001) na Basic Elements of the Dictionary at Haas (nasa Landau, 2001) na Desiderata for a Bilingual Dictionary. Bilang metodo, gumamit ang pananaliksik ng kwalitatib-deskriptibong disenyo at archival na pamamaraan, kung saan ang nasabing diksyunaryo ang pangunahing batis ng datos. Bilang resulta, natuklasan sa pag-aaral na ang naturang diksyunaryo ay may matibay na pundasyong linggwistiko, partikular sa pagbibigay ng detalyadong grammatical information, sistematikong alphabetization, at paggamit ng mga ilustratibong pangungusap na nagpapakita ng aktwal na gamit ng salita. Epektibo rin ang pagbibigay ng salin sa bawat entry at halimbawa na nagpapatibay sa katangian nito bilang bilinggwal na diksyunaryo. Gayunpaman, may ilang limitasyon itong natukoy, katulad ng kakulangan sa sistematikong usage guidance, hindi konsistent na pagmamarka ng rehistro ng wika, at kawalan ng etimolohiya sa maraming entry. Napansin din ang ilang isyu sa presentasyon ng mga entry, kagaya ng hindi malinaw na paglalagay ng mga varyasyon ng salita at kakulangan sa morfolojikal na paliwanag sa ilang lemma. Sa kabuuan, ipinapakita ng pag-aaral na bagaman nananatiling mahalagang sanggunian ang diksyunaryo ni Wolff para sa mga tagapagsalita at nag-aaral ng wikang Cebuano, gayundin sa larangan ng leksikograpiya, kinakailangan pa rin ang rebisyon at modernisasyon nito upang mas makaangkop sa kontemporanyong pangangailangan ng mga gumagamit. Inaasahang magsisilbing batayan ang pag-aaral na ito tungo sa pagbuo ng mas sistematiko, inklusibo, at napapanahong mga diksyunaryong Cebuano sa hinaharap.
